Sa ating modernong daigdig, maari natin sabihin na may sagot na sa lahat ng tanong, o sa mas angkop na salita, ‘may lohikal na paliwanag para sa lahat ng bagay.’ Totoo, sa isang perspektibo, na kaya ipaliwanag ng agham ang lahat . Maaring ang modernong pilosopiya ang may hawak ng sagot.
Ang modernong pilosopiya ay sumasaklaw sa limang(5) sangay ito ay ang
Etika- tumutukoy sa pagaaral ng moralidad
Epistimolohiya- tumutukoy sa pagaaral ng karunungan.
Metaphysics- tumutukoy sa pagaaral ng konsepto ng isang tao.
Lohika- ang agham sa tamang pagiisip at pasagot.
Marami ang nagsasabing ang Pilosopiya ay isang uri ng siyensya na naghahanap ng pinakapangunahing sangkap at sanhi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng pang- unawa at pagkakaintindi ng pag- iisip ng tao katulad ng ginawa ng mga sinaunang Griyegong Pilosopo. Ngunit ayon na sa mga librong aking nabasa at aking mga naging propersor, ito ay hango sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “philos”- mangingibig at “sophia”- karunugan. Sa madaling sabi, ang isang pilosopo ay isang mangingibig ng karunungan. Ang Pilosopiya ay pag- ibig sa karunungan.
Kung gayon, ang mga pilosopo ay hindi basta- basta nag- iisip ng ideya, sila ay nagmamahal. Ang ideya ay binibigkas ng salita, ang salita ay may kahulugan, at ang kahulugan ay may buhay- may saysay. Ang pag- ibig sa karunungan ay pag- ibig sa buhay at pagsasalaysay nito at karunungang natamo o gustong matamo. At ang buhay ay isang paglalakbay. Ang pilosopiya ay isang paglalakbay.
Hindi ko mabigyan ng kahulugan ang Pilosopiya, sapagkat ang pagbibigay ng depinisyon ay pagkakahon dito. Kapos ang mga salita upang hawakan ang kabuuan ng Pilosopiya. Pero napakalawak nito at bukas. Maari lamang akong makilakbay at dumanas ng pagpipilosopiya lalu na ang pagsasabuhay nito. At kapag naisabuhay na ito, alam kong ito’y may patutunguhan at katapusan, at ito’y pagyabong at pagpapalalim ng aking sarili sa tunay na kahulugan ng buhay.
Kaya’t ang pilosopiya ay isang paglalakay na nagsisimula sa sarili sapagkat kanya- kanya tayo ng karanasan at pananaw sa buhay. Walang ideya o pilosopiya ang tao na maituturing na mali o tama o perpekto. Ang mga naisip natin at naisulat ay pawang hango sa sariling karanasan sa buhay. May sariling pag- iisip at damdamin na naglalakbay. Basta’t kapag napagtanto niya ang kahulugan ng buhay, isinasabuhay niya ito. Ang pilosopiya ay malawak at bukas. Kailangang buksan din natin ang ating sarili. Kailangang mayroon tayong kusa na makipag- kapwa- kalooban. Papasukin ang bawa’t isa sa isa. Kaya’t ang pamimilosopiya ay ang pinakamataas na antas ng pakikipag- kapwa at pagkalinga sa kapwa. Sapagkat ang pagsasara ng pinto ay ang pagpipigil sa paglago ng karunungan. Ang bawat isa ay kaugnay ng isa. Nahuhubog at yumayabong ayon sa impluwensya ng isa. Nirerespeto ang pag- iral ng bawat isa at kanyang pilosopiya. Hahanguin ang pilosopiya ng isa upang palaguin at pagyamanin. At sa huli, pag- uugnayin ang mga ideya o pilosopiya ng isa bagaman may pagkakaiba, may pagkakaisa. Pagkakaisa sa paghahanap sa tunay na kahulugan ng buhay, dahilan ng pag- iral ng bawat isa at lubos na pagkilala sa sarili. Kaya’t patuloy ang paglalakbay ng may pilosopiya hanggang sa mahulog sa tunay na kahulugan ng buhay. Kahulugan na may katotohanan. Kahulugan na ayon sa pananaw ng tao kung paano niya pagtahitahiin ang kanyang mga karanasan upang maging isa at makapulot ng mga aral sa buhay.
Kaya’t hindi nakapagtataka na ang Pilosopiya ay kaakibat ng mga tao lalo na ang mga matatanda sapagkat narating na nila ang estado na alam na nila ang kahulugan ng buhay, ang sariling pag- iral at kaugnayan niya sa daigdig na kanyang ginagalawan. Alam niyang walang kasiguraduhan ang mga bagay- bagay, ngunit alam niyang siya ay umiiral at siya ay mamatay. Mayroon na siyang sariling pilosopiya sa buhay sapagkat siya ay nakilakbay. Kung magkagayon, ang pamimilosopiya ay ang paghahanda sa kamatayan. Sapagkat ito lamang ang kasiguraduhan sa buhay. Kaya nga’t marami ang mga nagsasabi na ang pinakamagaling na guro ng buhay ay kamatayan. Sapagka’t kapag alam mo na ika’y mamamatay, magbabalik tanaw ka sa iyong nakaraan, makapulot ng aral, alamin ang dahilan ng pag- iral, at gawin ang mga nararapat. Kung magkagayon, ang pilosopiya o ang pamumuhay sa Pilosopiya ay isang buhay na etikal. Ang pag- alam sa kung ano ang tama at mali. Kaya’t ang pamimilosopiya ay ang pagiging magaling sa pagiging tao.
Ang Pilosopiya ay mahirap pagkahulugan ngunit patuloy na umiiral, sapagkat ang tao ay patuloy sa pagtataka, pag- iisip, at paghahanap ng tunay na kahulugan ng buhay. Masasabi kong, mahuhulog lamang tayo sa tunay na kahulugan ng buhay kung tayo ay makikilakbay sa Pilosopiya. Kung tayo ay mamumuhay ng Pilosopiya na base sa ating karanasan. Patuloy na pag- ibig sa karunungan at pakikIpagkapwa – tao, patuloy na alamin ang mga bagay na lingid sa kanyang kalaaman na walang kasiguraduhan ngunit nakakasiguro lamang sa kamatayan. Kaya’t patuloy ang aking pag- alam sa kahalagahan ng Pilosopiya. Patuloy ang aking pamimilosopiya sapagkat ang Pilosopiya ay aking kamanlalakbay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment