Wednesday, March 26, 2008

Rialita Alcaide

Pilosopiya ang mapagkilatis na pag-aaral sa mga pinakamalalim na katanungan na maaaring itanong ng sangkatauhan.
Nagmula ang salitang Pilosopiya sa mga salitang griyego na "Philo" at "Sophia". Ang "Philo" ay nangangahulugang "Pagmamahal" at ang "Sophia" naman ay "Karunungan". Kung pagsasamahin, ito ay "Pagmamahal sa Karunungan". Kung kaya't ang Pilosopiya ay palagiang nagtatanong sa mga bagay-bagay upang magbigay linaw, kasagutan at karagdagang karunungan sa nagtatanong.
Kabilang sa itinatanong ng mga pilosopo ay ang mga sumusunod:
Metapisika: Anong uri ng mga bagay ang umiiral sa mga bagay na meron? Ano ang kalikasan ng mga bagay? Meron bang mga bagay na umiiral kahit na hindi natin nadarama? Ano ang kalikasan ng kalunanan at kapanahunan? Ano ang kalikasan ng kaisipan at pag-iisip? Ano ba ang kahulugan ng pagiging isang tao? Ano ba ang kahulugan ng kamalayan? Meron bang diyos?
Epistemolohiya: Meron nga bang kaalaman? Paano natin nalalaman na may alam tayo? Paano natin malalaman na may iba pang nakapag-iisip?
Etika: Meron bang pagkakaiba ang matuwid at mga imoral na mga gawain (o pagpapahalaga, o institusyon)? Kung meron, anong uri ang pagkakaibang ito? Anong mga gawain ang matuwid? Anong pinapahalagahan ang sukdulan, o may-kaugnay lamang? Gamit ang mas malawak o mas eksaktong paraan ng pagtalakay, paano ako dapat mabuhay?
Lohika: Ang pagtatalo bang iyan ay pormal? Anu-ano ang mga batayang upang masabi na ang isang pagtatalo o pangungusap ay tumitimbang sa pormal na lohikal?
Ang madalas na pagkakaintindi ng karaniwang tao sa salitang pilosopiya ay tumutukoy ito sa anumang anyo ng karunungan, o pananaw ng tao hinggil sa buhay (tulad sa "pilosopiya sa buhay") o mga pinag-uugatang prinsipyo o paraan upang makamit ang isang bagay (tulad sa "ang aking pilosopiya sa pagmmamaneho sa malalaking lansangan"). Karaniwang tinutukoy nito ang pananaw sa buhay. Ngunit sa aking palagay, ang pilosopiya ay tumutukoy lamang sa pagaaral ng pagnanais ng tao malaman ang pinakamalalim na tanong o kasagutan sa buhay. Dahil dito, masasabi ko na ang pagaaral ng pilosopiya ay walang katapusan.

No comments: