Sunday, March 23, 2008

Rachelle L. Bugarin

Kontemporaryong Pilosopiya

Bawat tao ay may kanya-kanyang pilosopiya sa buhay. Tunay ngang malawak ang pakahulugan sa pilosopiya ngunit ano nga ba ang kahalagahan nito sa atin? Bakit nga ba nagiging komplikado and paksang ito para sa iba? Anu-ano ang mga sangay nito na maari nating pagbasehan tungo sa isang makabuluhang pilosopiya sa buhay? Ilan lamang ang mga katanungang ito na maaari nating masagot sa pamamagitan ng simpleng pag-aaral ng pilosopiya.

Bilang isang mag-aaral ng pilosopiya, masasabi kong ang paksang ito ay interesante. Ang mga simpleng katanungan na nabubuo sa ating isipan na nais nating bigyang kasagutan ay pilosopiya. Maraming sangay ang pilosopiya ngunit hindi mahirap unawain ang mga pakahulugan nito. Kabilang dito ang Metapisika, Epistemolohiya, Lohika, at Etika kung saan naipapabatid sa atin ang tamang pamamaraan ng pag-iisip tungo sa pagtahak ng buhay. Lahat tayo ay may kanya-kanyang paniniwala na siyang nagsisilbing gabay natin sa ating pamumuhay. Iba-iba man ang mga paniniwalang ito dahil sa kultura, relihiyon at iba pang bagay na nakaiimpluwensya sa atin mula sa kinalakhang kapaligiran ay nagdudulot ito ng kaluguran sa atin. Hindi maikakaila na hindi lahat ay nakauunawa sa paksang ito dahil sa kakulangan ng edukasyon ngunit tiyak na maiibigan din ng iba ang pilosopiya lalo na kung pagtutuunan ito ng panahon upang intindihin ang bawat sangay nito. Ito ay napakahalaga sa atin sapagkat naipababatid natin sa iba ang ating mga naisasaisip sa pamamagitan ng pagbibigay rason sa bawat gawain na ating ikinikilos. Sa madaling salita, ito ay ang kakayahang intelektwal ng bawat tao upang mamuhay ayon sa ating sariling kagustuhan.

Ang pilosopiya ay tunay ngang kawili-wiling pag-aralan. Nararapat lamang na maging batid sa atin ang mga kabutihang dulot ng pag-aaral ng pilosopiya at ang mga ibang paksang kaugnay nito upang malaman natin ang mga tamang pamamaraan ng pagpapahayag ng ating sarili sa pagbagtas ng daan ng buhay.

No comments: